Naaalala ko noong ako ay nasa elementarya pa lamang, may kaklase akong sumama ang tiyan, umiyak na lamang siya noon sa titser namin habang kami naman ay pare-parehong nakalagay ang mga kamay sa ilong. Alam mo na siguro ang nangyari. Ang mga bata talaga, kapag hindi na kaya simple lang ang ginagawa -- ang umiyak. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa utak ng kaklase kong iyon pero kung ako ang nasa lagay niya, iisipin kong tumakbo papuntang banyo. Pero hindi niya ginawa iyon. Ang mga bata talaga, iyakin.
"Huwag kalimutan ang toilet manners, huwag iyakan ang maling gawain."
Kung mapag-uusapan rin lang ang mga nangyayari sa kabataan, hindi maaalis ang pagiging lampa. Lahat naman ng bata ay dumadaan sa pagiging lampa… kahit na ang iba ay ayaw aminin na naging ganoon nga sila, pabayaan na natin. Hindi lang nila matanggap na napagtawanan din sila.
May mga bata na kahit isang maliit na bato ang madaanan ay madadapa agad, pero may mga sadyang pinagkaitan ng panahon na kahit wala namang nakaharang sa daan ay bigla na lang masusubsob ang mukha sa sahig, o mas malala pa – sa batuhan.
"Tingnan mabuti ang dinadaanan."
Dati rin, pinipilit tayong patulugin sa tanghali ng mga nanay natin. Iniisip ko dati kung bakit kailangan pang matulog sa tanghali, matutulog ulit sa gabi. Pilit pa tayong nagkukunwari sa mga lolo o lola natin na nagbabantay na nakatulog nga tayo, naniniwala naman sila. Ikaw na naman ang panalo.
At minsan ay sa sobrang kasinungalingan ay mahuhuli ka na lang na hindi ka pala natutulog sa tanghali, palo ang aabutin mo. Kaya napipilitan kang matulog kahit ayaw mo.
"Magkunwari ka na lang ulit."
Maysakit ka noon, pinipilit ka pa ng nanay mo na kumain. Alam naman nila iyon na wala kang ganang kumain dahil masama nga ang nararamdaman mo.
"Sige na, anak, tatlong kutsara na lang," sabi ng nanay.
Heto ka naman na sumusunod. Ano pa nga ba? Sa tuwing maaalala mo ang parteng iyon ng kabataan mo, maiisip mo na lang --
"Nakakain nga ba ang kutsara?"
No comments:
Post a Comment